Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang intelligence monitoring at paghahanda sa seguridad para matiyak ang maayos, mapayapa at ligtas ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang kanilang mga intelligence at operational unit para sa masusing pagbabantay sa sitwasyon at magsagawa ng regular na threat assessment bago ang pagsisimula ng paglilitis sa July 6.
Tiniyak ni Nartatez ang kaligtasan ng publiko at maisasagawa ang lahat ng ligal na proseso nang walang anumng pagka-antala o gulo, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nanawagan naman ang PNP chief sa mga taga-suporta ni VP Sara na manatiling kalmado sa pagpapahayag ng kanilang suporta habang ginagarantiya ng Pulisya ang kanilang kaligtasan at kapakanan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PNP Acting Spokesperson, Police Col. Allen Rae Co na magpapakalat sila ng sapat na bilang ng mga pulis sa paligid ng Senado upang masigurong hindi na mauulit ang nangyaring karahasan noong June 13.
Samantala, sinabi rin ni Co na hindi sila mag-aatubiling isilbi ang ICC warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling muli itong lumutang sa Senado.