Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mayroong kikitain ang mga ube farmer sa bansa sa gitna nang mataas na demand nito sa Estados Unidos, South Korea, Canada, Middle East at Europa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for High-value Crops Cheryl Marie Natividad-Caballero, inilapit nila ang mga kooperatiba ng mga magsasaka na may planong mamuhunan sa ube production sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal na nais nilang magkaroon ng “supply agreement” sa pagitan ng mga magsasaka at mga negosyante upang mabili sa tamang presyo ang iba’t ibang klase ng ube.
Mas mabenta sa pandaigdigang merkado ang mga durog-durog o powered ube na ginagamit bilang sangkap sa pastries, ice cream, at energy drink na may isang taong shelf life habang ang raw ube ay napananatili ang natural na kulay nito.
Paliwanag pa ni Caballero, lumilipat na ang mga consumer sa organic food kaysa sa mayroong preservatives.
Siniguro ng Agriculture Department na patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay ng suporta sa ube industry tulad nang pamamahagi ng mga makinarya tulad ng washer, filler at iba pa.
Samantala, madaragdagan ng 5,000 hektarya lupain sa Bohol na ilalaan sa ube production sa susunod na dalawang taon.