Sa kasagsagan ng isinasagawang kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC), iniulat ng Philippine National Police (PNP) na tatlong inidibidwal ang naaresto at tatlong pulis ang naitalang nasugatan batay sa pinakahuling ulat ng PNP.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, kabilang sa mga naaresto ang driver ng isang bus na umano’y umatras at umabante kahit pinatitigil na ng mga pulis. Dahil dito, nabangga at nasagasaan ang isang policewoman na nagtamo ng pinsala matapos mauntog.
Habang dalawa pa ang naaresto matapos umanong manuntok ng mga pulis.
Nanawagan ang Pambansang Pulisya sa mga nagsasagawa ng kilos-protesta na huwag idamay ang mga hindi kalahok sa kanilang aktibidad.
Aniya, sinasadya umanong harangan ng ilang nakikibahagi sa rally ang mga lansangan gamit ang kanilang mga sasakyan, na nagdudulot ng abala sa mga commuter at iba pang mamamayan.
Sinabi rin ni Co na naabisuhan ang PNP hinggil sa planong kilos-protesta pero isasailalim sa assessment ang naging aksyon ng mga commander sa ground at ng intelligence personnel.
Sa ngayon, nakatuon ang PNP sa mapanatili ang kaayusan at maibalik sa normal ang sitwasyon. | ulat ni Diane Lear