Upang mas mapalakas pa ang kampanya laban sa korapsyon sa bansa, opisyal nang inilunsad ang Philippine National Anti-Corruption Strategy (PNACS) sa Pasay City.
Nagkaroon ng kolaborasyon ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa pagbuo ng Philippine National Anti-Corruption Strategy upang higit pang mapalakas ang pagsugpo sa korapsyon sa bansa.
Pinangunahan ito ng Presidential Anti-Corruption Commission–United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) Project Management Office, katuwang ang Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), Commission on Audit (COA), at Civil Service Commission (CSC).
Kasama rin ang academe, sa pangunguna ng University of the Philippines National College of Public Administration and Governance (UP NCPAG).
Layunin ng nasabing anti-corruption strategy na isulong ang whole-of-government approach sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya na nakatutok sa paglaban sa korapsyon.
Layon din nitong makabuo ng isang framework na magbibigay ng karagdagang input mula sa iba’t ibang sektor upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa korapsyon at matiyak ang maayos na paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.