Mapayapa at maayos na nagtapos ang ikalawang araw na rally ng Iglesia ni Cristo sa EDSA People Power Monument sa Quezon City, ayon yan sa Quezon City Police District (QCPD).
Ayon sa QCPD, hindi tulad nang naging sitwasyon noong unang araw ng pagtitipon, wala na itong naitalang anumang insidente kahapon.
Naging epektibo rin umano ang pagpapatupad ng seguridad sa lugar sa tulong ng Philippine National Police (PNP), National Capital Region Police Office (NCRPO), QC LGU, at iba pang partner agencies.
Pinuri naman ni QCPD Chief Police Brig. Gen. Randy Glenn Silvio ang dedikasyon at propesyonalismo ng mga pulis at iba pang personnel na itinalaga sa dalawang araw na seguridad ng aktibidad.
“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng ating mga Kapulisan at katuwang na ahensya na naglaan ng oras, pagod, at sakripisyo upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng INC Rally. Ang tagumpay na ito ay bunga ng maayos na koordinasyon, disiplina, at pagtutulungan ng lahat. Makaaasa ang publiko na ang QCPD ay patuloy na magiging handa at maagap sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod,” pahayag ni Silvio.
Samantala, as of 6am, balik normal na ang sitwasyon at maluwag na muli ang daloy ng mga sasakyan sa bahagi ng EDSA Northbound at EDSA Whiteplains.
Nalinis at nahakot na rin ang mga naiwang kalat sa EDSA People Power Monument at pati mga ginamit na portalets sa pagtitipon.
📸 QCPD
