Siniguro ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na mahigpit at seryoso nilang mino-monitor ang kaso ng dalawang menor de edad na sangkot sa shooting incident sa Tacloban City, Leyte.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ipinaliwanag ng kalihim na isang multidisciplinary team ang humahawak sa kaso ng dalawang menor de edad kung saan may nakatalaga sa kanilang mga social worker, child psychologist, at trained houseparents para masuri ang kanilang kalagayan at makagawa ng angkop na intervention plan.
Hangad din umano ng DSWD na makabuo ng holistic diversion plan para maunawaan ng mga bata ang epekto ng kanilang ginawa at matutong managot sa kanilang pagkakamali.
Sinabi rin ng kalihim na gagamitin ng DSWD ang kanilang mga resources hangga’t kinakailangan para makita ang positibong pagbabago sa 14-na taong gulang na menor de edad na nasa ilalim ng Intensive Juvenile Intervention and Support Center (IJISC).
“For as long as it takes. As long as it takes na ma-rehabilitate siya at makitaan namin siya ng positibong pagbabago. At this point in time, it’s too early pero as long as it takes,” pahayag ni Secretary Gatchalian.