Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtatatag ng mga Anti-Bullying Help Desk para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., layunin nitong matiyak ang agarang pagtugon sa mga reklamong may kaugnayan sa bullying bago pa ito humantong sa krimen.
Sinabi ni Nartatez na bahagi ito ng suportang ibinibigay ng PNP sa Department of Education na patuloy na maprotektahan ang mga mag-aaral.
Kabilang sa mga inisyatiba ng kagawaran ang panukalang mandatoryong inspeksyon ng mga bag at ang paglikha ng mga posisyon para sa school counselors.
Dagdag ng PNP chief na pamamahalaan ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk sa bawat himpilan ng pulisya ang mga help desk kapag naitatag na ito.
Tiniyak din niya na patuloy na makikipag-ugnayan ang PNP sa DepEd at iba pang kinauukulang ahensya upang mapalakas ang kampanya laban sa bullying at mapanatiling ligtas ang mga paaralan.