Tataas hindi lamang ang take-home pay kundi pati ang ilang benepisyo ng mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR) kasunod ng ₱85 dagdag sa arawang sahod.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, magsisimulang maramdaman ng mga manggagawa ang epekto ng wage increase sa July 19, 2026, at susundan pa ito ng panibagong pagtaas sa Enero 20, 2027.
Ipinaliwanag ni Tolentino na dahil nakabatay sa basic wage ang ilang benepisyo, tataas din ang overtime pay, night shift differential, holiday pay, premium pay, service incentive leave pay, 13th-month pay, separation pay, retirement pay, at iba pang wage-related benefits.
Tiniyak din ng kalihim na nagpapatuloy ang wage assessments sa labas ng NCR alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsagawa ng review at public consultations bago ang anniversary date ng mga umiiral na wage order.
Nanawagan naman ang DOLE sa mga employer sa NCR na sumunod sa bagong wage order at tiyaking tama ang pagkukuwenta ng lahat ng benepisyong apektado ng wage increase.
Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) at sa DOLE Hotline 1349 para sa mga katanungan kaugnay ng implementasyon ng bagong wage order.