Photo courtesy of PNP-PIO
Iba’t ibang uri ng armas na umano’y pagmamay-ari ng Communist Terrorist Group ang narekober ng Philippine National Police sa bulubunduking bahagi ng Barangay Dungeg, Santa Ana, Cagayan.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., narekober sa operasyon ang M1 Garand rifle, caliber .22 rifle, mga improvised na baril, bahagi ng improvised anti-personnel mines, tatlong 40mm high explosives at dalawang rifle grenade.
Nakuha rin ang mga magazine, sari-saring bala, explosive-related materials at mga dokumentong may markang “Baringkuas,” “Krisis sa Ekonomiya” at “Bayan.”
Pinangunahan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company ang operasyon, kasama ang iba pang PNP units sa Cagayan at 17th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Natukoy ang lugar batay sa impormasyong ibinigay ng isang dating miyembro ng CTG na nagturo sa umano’y pinagtaguan ng grupo ng mga armas at kagamitan.