Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang mga polisiya upang makahikayat ng mas maraming dayuhang pamumuhunan sa bansa, kasabay ng paglago ng foreign direct investments o FDI at pagtaas ng mga naaprubahang investment projects ngayong taon.
Sa press briefing ng ASEAN 2026, sinabi ni DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo na nakatuon ang Pilipinas sa pag-akit ng mga pamumuhunan sa renewable energy, advanced manufacturing, semiconductors, at mineral processing.
Ayon sa kanya, umabot na sa ₱541.5 bilyon ang kabuuang approved investments ngayong 2026, habang tumaas din ng mahigit 68% ang foreign investments kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag din ni Rodolfo na mahalagang katuwang ng mga insentibong ibinibigay sa ilalim ng CREATE MORE Act ang Strategic Investment Priorities Plan o SIPP upang matiyak na napupunta ang mga investment sa mga prayoridad na sektor ng bansa.
Ayon sa DTI, sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya at pagtutok sa mga high-value industries, layunin ng pamahalaan na makahikayat ng mas maraming de-kalidad na pamumuhunan na magpapalakas sa ekonomiya, exports, at paglikha ng trabaho sa bansa.