Pormal nang binuksan ng Pilipinas ang ika-58 ASEAN Economic Ministers’ Meeting sa Maynila, kung saan binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque ang matatag na paglago ng ekonomiya ng ASEAN at ang pangangailangang maisalin ito sa mas maraming oportunidad para sa mga mamamayan at negosyo sa rehiyon.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Roque na nananatiling matatag ang ASEAN sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang kalakalan, matapos maitala ang pagtaas ng merchandise trade at foreign direct investments sa rehiyon. Aniya, mabilis ding lumalawak ang digital economy ng Timog-Silangang Asya.
Binigyang-diin din ng kalihim ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, kabilang ang tuloy-tuloy na pagtaas ng exports, at sinabi na layunin ng pulong na maisulong ang mas malalim na integrasyon, digital transformation, suporta sa MSMEs, at sustainable growth bago ang 49th ASEAN Summit sa Nobyembre.
Inaasahang maglalatag ang mga economic ministers ng mahahalagang rekomendasyon upang mapalakas ang kalakalan, pamumuhunan, at competitiveness ng ASEAN sa pandaigdigang merkado.