Pansamantalang ipatutupad ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang Second Protocol to Amend the ASEAN Trade in Goods Agreement o ATIGA upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga reporma sa kalakalan bago pa ito tuluyang magkabisa sa Hunyo 2027.
Sa deklarasyong pinagtibay sa Maynila, nagkasundo ang mga miyembrong estado ng ASEAN na boluntaryo at batay sa mutual agreement na ipatupad ang ikalawang protocol sa mga bansang nakapagsumite ng pormal na abiso sa ASEAN Secretary-General.
Layunin ng hakbang na mapalalim ang intra-ASEAN trade at mapabilis ang pagpapatupad ng mga pagbabago sa kasunduan, kasunod ng panawagan ng ASEAN Economic Council at ng mga lider ng ASEAN na palakasin ang kooperasyong pang-ekonomiya sa gitna ng pandaigdigang hamon sa kalakalan.
Mananatiling pansamantala ang pagpapatupad ng kasunduan hanggang sa opisyal itong magkabisa sa ikaisa ng Hunyo 2027, habang hinihikayat ang iba pang kasaping bansa na tapusin ang kanilang ratipikasyon upang ganap na maipatupad ang binagong ASEAN Trade in Goods Agreement.