Hindi na pinagbigyan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) ang pagpapatuloy ng rally ng Iglesia ni Cristo sa EDSA People Power Monument ngayong araw.
Kasunod ito ng pagbawi sa rally permit ng grupo para sana sa ikatlong araw ng kanilang pagtitipon.
Ayon sa QC DPOS, hanggang alas-8 kagabi na lang ang bisa ng permit ng INC.
Paliwanag nito, nagdulot na ng matinding abala ang protesta sa araw-araw na pamumuhay ng mga residente kung saan marami ang nahuli sa pagpasok sa eskwela at trabaho, habang ang ilan ay hindi na nakapasok at naapektuhan ang mga negosyo.
Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na nilabag ng mga nagprotesta ang napagkasunduan na manatili lamang sa White Plains at hindi okupahin ang EDSA.
Binigyang-diin ng QC DPOS na iginagalang nila ang karapatan sa malayang pagtitipon, ngunit hindi ito dapat makasagabal sa kapakanan ng mas nakararami.
Sa ulat naman ng Quezon City Police District (QCPD), inaasahang ililipat ng INC ang kanilang rally sa Liwasang Bonifacop sa Maynila ngayong araw.