Tiniyak ni Bagong Senate Committee on Energy Chairman Senador Erwin Tulfo na rerepasuhin niya ang Oil Deregulation Law upang magkaroon na ng kontrol ang gobyerno sa presyuhan ng krudo.
Ang Oil Deregulation Law na naisabatas noong 1998 ay tinuturing ni Tulfo na lumang batas na nangangailangan na ng mga modernong pagbabago na angkop sa kalagayan ng bansa.
Ayon kay Senator Erwin, ito ay para hindi na muling mangyari ang mga kaduda-dudang kalakaran sa pagpepresyo—kung saan sa sandaling tumaas ang presyo sa pandaigdigang merkado, nagtataas na rin agad ang mga gasolinahan sa mismong susunod na araw.
Ngayong araw, nagkaroon ng pagdinig ang kumite kung saan tinalakay ang mga panukalang batas para sa mga amiyenda sa Oil Deregulation Law at ang pagtatatag ng Petroleum Reserve.
Binanggit din ni Tulfo ang mga oportunidad na inihain ng mga opisyal mula sa United Arab Emirates (UAE) para sa pagtatayo ng mga Oil Reserve o reserba ng langis sa bansa.
Sinabi naman ni Department of Energy Secretary Sharon Garin na kasalukuyan na silang nakikipag-usap hindi lang sa mga opisyal ng UAE kundi maging sa mga opisyal ng Japan para sa paglikha ng kapwa national oil reserve at strategic oil reserve. | ulat ni Nimfa Asuncion