Giniit ni Senate President Sherwin Gatchalian na napapanahon na para sa reporma sa patakaran sa sektor ng enerhiya sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, ito ay para matiyak ang matatag na supply ng langis, patas na presyo at mabawasan ang pagiging dependent ng Pilipinas sa imported na langis.
Sa pagdinig ng senate committee on energy, sinabi ng senate president na matapos ang naranasang krisis sa middle east ay naobserbahan niya ang maraming kahinaan sa energy sector na kailangang matugunan.
Kabilang dito ay dapat pag aralan ang mga paraan para mapataas ang domestic oil inventory at paano maaaring makipagtulungan ang pamahalaan sa pribadong sektor para mapalawak ang inventory capacity ng bansa.
Dapat rin aniyang tugunan ang infamous replacement cost na naging major issue at pangunahing dahilan kung bakit agad tumataas ang presyo ng langis sa bansa kapag tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Pero kapag naman bumaba ang global oil price ay matagal bago bumaba ang lokal na presyo ng langis sa bansa.
Iginiit pa ni Gatchalian na kailangan ng matigil ang pagiging dependent ng bansa sa imported na langis, kung saan 90 percent ng ating energy supply ang nagmumula sa gitnang silangan. | ulat ni Nimfa Asuncion