Magkakaroon ng pansamantalang pagsasara sa bahagi ng Diokno Boulevard simula July 6, bilang bahagi ng ipatutupad na security measures kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Batay sa advisory na inilabas ni Senate Secretary Atty. Renato N. Bantug Jr., isasara sa regular na daloy ng sasakyan ang northbound at southbound lanes ng Diokno Boulevard mula Seaside Boulevard hanggang Atang dela Rama Street sa mga araw na may nakatakdang impeachment trial.
Mananatili ang pagsasara hanggang sa matapos ang paglilitis.
Bubuksan naman ang naturang kalsada tuwing weekend at sa mga weekday na walang nakaiskedyul na impeachment trial.
Sa panahon ng road closure, tanging mga senador, opisyal at empleyado ng Senado, mga opisyal at empleyado ng GSIS, non-organic personnel na may opisina sa Senado, mga taong direktang sangkot sa impeachment proceedings, mga otorisadong sasakyan ng pamahalaan, at iba pang papayagan ng Office of the Sergeant-at-Arms ang maaaring makadaan sa lugar.
Inatasan ang mga opisyal at empleyado ng Senado na magpakita ng kanilang valid Senate ID, security o access pass sa mga itatalagang access control points.
Samantala, ang ibang sasakyan ay ire-reroute sa Macapagal Boulevard.
Hinikayat din ng Senado ang publiko na planuhin ang kanilang biyahe at sundin ang mga traffic advisory at tagubilin ng mga traffic enforcer. | ulat ni Nimfa Asuncion