Nanawagan ngayon ang Bagong Silangan High School sa publiko na maging responsable sa mga ipinopost at ibinabahaging impormasyon online.
Kasunod ito ng kumalat na fake news ng ‘security threat’ sa naturang eskwelahan kahapon na nagdulot ng panic sa ilang mga estudyante.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng BSHS na tanging mga opisyal na anunsyo lamang mula sa kanila, Schools Division Office, at iba pang otorisadong ahensya ng pamahalaan ang dapat pagbatayan ng publiko.
Sa ngayon, nakikipagtulungan na umano ang paaralan sa mga law enforcement authorities para matukoy ang pinagmulan ng maling impormasyon at mapanagot ang mga responsable sa pagpapakalat nito.
Kasabay nito, naglaan na rin ito ng psychosocial support at guidance interventions para sa mga estudyanteng naapektuhan ng pangamba dulot ng insidente.
Una nang nilinaw ng Bagong Silangan High School na walang naganap na pananaksak o pamamaril sa loob ng eskwelahan.
