Photo courtesy of Taiwan Air Force
Nanawagan ang isang mataas na opisyal ng Estados Unidos sa Taiwan na palakasin ang kakayahan nito sa paggamit ng mga drone bilang bahagi ng estratehiya sa depensa laban sa posibleng banta mula sa China.
Sa isang drone Forum sa Taichung, sinabi ni Raymond Greene, direktor ng American Institute in Taiwan, na malaking pagbabago sa modernong digmaan ang paggamit ng mga drone, batay sa karanasan ng Ukraine sa pagharap sa mas malakas na kalaban.
Ayon kay Greene, kailangang gawing isang “hornet’s nest” o pugad ng mga drone ang isla upang mapalakas ang depensa at mas mahirap lusubin ng sino mang kalaban.
Aniya, makatutulong ang pagtutulungan ng Estados Unidos at Taiwan sa paggawa ng mga drone upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific.
Kaugnay nito, isinulong ng Taiwan ang isang multi-billion dollar na programa para sa surveillance drones, unmanned sea vessels, at iba pang makabagong sistemang pandepensa hanggang 2031.
Samantala, muling iginiit ng China ang pag-angkin nito sa Taiwan at tinutulan ang ano mang kooperasyong militar sa pagitan ng Taipei at Washington.