Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Naghahandog ng dagdag-kaalaman ang Philippine Coast Guard (PCG) upang maging mas ligtas at maayos ang kalagayan ng bawat mangingisda na papalaot sa karagatan.
Ayon kay PCG Coast Guard Station Bataan Commander Michael John Encina, mahigpit ang kanilang isinasagawang inspeksyon sa mga sasakyang-pandagat na lalayag kasama na ang mga mangingisda.
Kasabay nito, ang pagpapatuloy ng pagsasagawa ng information dissemination hinggil sa lagay ng panahon upang maiwasan ang anumang maaaring maging kapahamakan sa mga manlalayag.
Dagdag pa ng opisyal, kailangang mayroong kaukulang dokumento, emergency lights, life vests at handheld radio ang mga sasakyang-pandagat na kanila ring magagamit sa oras ng sakuna.
Nakahanda rin ang ahensya na magturo ng first aid at Water Search and Rescue (WASAR) training para sa mga mangingisda upang mabigyan ng dagdag pang kaalaman ang mga ito para maging ligtas sa kanilang pagpalaot.
Binigyang-diin pa ng PCG na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Bantay Dagat, panlalawigan at lokal na pamahalaan kaugnay sa pagpapaigting ng maritime patrol.
Samantala, nagpapatuloy naman ang “Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM) program ng PCG upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisda, alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.