Pirmado na ng walong nagpakilalang bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang kani-kanilang affidavit kaugnay ng planong pagsasampa ng kaso laban kina Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Levi Baligod, abogado ng grupong tinaguriang “Maleta Boys,” matapos niyang samahan ang mga ito sa Office of the Ombudsman kung saan pormal na naisumite ang kanilang mga sinumpaang salaysay.
Ayon kay Baligod, may karagdagan pang magsusumite ng kanilang mga affidavit.
Matatandaang sinabi kahapon ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na bagama’t nakapaghain na ng mga affidavit ang mga testigo, hindi pa pirmado ang mga ito at umano’y dine-delay ni Baligod kaya naantala rin ang kaso.
Dagdag ni Clavano, may mga impormasyon sa mga isinumiteng salaysay na gagamitin sa case build-up laban kina Co at Romualdez.
Una nang sinabi ng mga “Maleta Boys” na sila umano ang nagdadala ng mga maleta na naglalaman ng pera para sa iba’t-ibang opisyal at mambabatas, na sinasabing kickback mula sa mga flood control projects. | ulat ni Diane Lear