RoadEye PH
Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na preventive suspension ang operasyon ng isang jeepney na nag-viral sa social media dahil sa agresibong pagmamaneho ng tsuper, dahilan upang mahulog at magpagulong-gulong sa kalsada ang isang pasahero.
Nangyari ang insidente noong June 23 habang bumibiyahe ang jeep patungong Cubao, Quezon City.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, natukoy ng ahensya ang operator ng jeepney batay sa mga impormasyong nakalap mula sa kumalat na video sa social media.
Nauna nang inisyuhan ng show cause order ang operator, habang itinakda sa July 14 ang pagdinig sa kaso.
Tatalakayin din sa naturang hearing ang kalagayan ng biktima at kung nabigyan ito ng kaukulang tulong.
Inatasan din ng LTFRB ang operator na isuko ang plaka ng jeepney, habang ang tsuper ay isinailalim sa mandatory drug test at road safety seminar.
Binigyang-diin ni Mendoza na hindi kinukunsinti ng LTFRB ang mga iresponsableng tsuper at tiniyak na magsisilbing aral ang naturang insidente.
Nagbabala rin ang LTFRB na maaaring pagmultahin ng ₱5,000 at bawiin ang prangkisa ng operator kung hindi nito sisipot sa July 14. | ulat ni Diane Lear