Handa na ang Senado sa pagbubukas ng impeachment trial sa Lunes, ayon kay Senate President Win Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na tuloy-tuloy ang paghahanda ng Senado dahil may mga detalye pang maaaring magbago bago ang pagsisimula ng paglilitis.
Ayon sa senate president, nagpulong na rin ang security cluster kasama ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Pasay City LGU para tiyaking maayos ang seguridad sa araw ng pagbubukas ng impeachment trial.
Binanggit din niya na inaasahan ang pagdalo ng mga grupong nais magpahayag ng kanilang saloobin, kaya bahagi rin ito ng kanilang pinaghahandaan.
Sa unang araw ng paglilitis, sinabi ni Gatchalian na inaasahang tututukan muna ang mga paunang proseso o preliminaries.
Kabilang dito ang pagpapakilala ng prosecution at defense panels, paghahain ng kanilang opening statements, at iba pang administrative matters.
Dagdag ni SP Win, patuloy pa ring inaayos ang programa para sa unang araw ng impeachment trial, kabilang ang pagrepaso sa mga komento kaugnay ng pre-trial order.
Samantala, inaasahan ng Senate President na makadadalo ang lahat ng mga senador na may kakayahang lumahok sa paglilitis.
Aniya, hindi na makadadalo si Senador Jinggoy Estrada, habang matagal na ring hindi nakapapasok sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Dahil dito, inaasahang nasa 22 senador ang makikilahok sa pagbubukas ng impeachment trial sa Lunes. | ulat ni Nimfa Asuncion