Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan FB
Isinusulong ngayon ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang pagtatatag ng isang standardized emergency medical response system o ang Emergency Medical Services System (EMSS) sa buong bansa.
Layon ng panukala na tiyakin ang mabilis at de-kalidad na tulong-medikal bago madala sa ospital ang mga pasyente (pre-hospital care) ay mararanasan sa bawat komunidad sa panahon ng krisis.
Sa pamamagitan ng House Bill (HB) 9474 na inihain ni Yamsuan, itatalaga ang malinaw na pambansang pamantayan para sa mga emergency protocol at operasyon.
Sakop din ng hakbang ang patuloy na training ng mga medical first responder.
Sa ilalim ng panukala, bubuuin ang isang National EMSS Council sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ito ang magbabalangkas ng mga pambansang pamantayan at protocol na susundin ng lahat ng emergency personnel.
Binigyang-diin ng mambabatas, na napakahalaga ng isang matatag na EMSS sa isang bansang madalas dumanas ng kalamidad tulad ng Pilipinas, dahil ito ang nagsisilbing unang linya ng depensa kapag may sakuna, malawakang aksidente, at mga pandemya.
Layunin din ng HB 9474 na tugunan ang kasalukuyang problema sa bansa kung saan hiwa-hiwalay at hindi pantay ang kalidad ng emergency response.