Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese fugitive na umano’y sangkot sa fraud at illegal online gambling syndicates, at isa pang Chinese national na overstaying sa Parañaque City.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ang mga pugante na sina Jiang Yin, 31-anyos, at Li Chuang, 34-anyos.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Chinese authorities na nagbigay ng intelligence information kaugnay ng kaso ng dalawa.
Sa operasyon laban kay Li, nadakip din si Wang Weixin, 32-anyos, matapos makitang overstaying sa Pilipinas at may aktibong Hold Departure Order.
Ayon sa BI, wanted sa China sina Jiang at Li dahil sa umano’y partisipasyon sa large-scale fraud at illegal online gambling gamit ang Qianneng Wallet application.
Lumabas din sa Immigration records na overstaying si Jiang matapos pumasok sa Pilipinas noong 2019 bilang temporary visitor, habang si Li naman ay subject na ng blacklist at watchlist orders bilang undesirable alien at fugitive from justice.
Ayon kay Viado, hindi magiging kanlungan ng foreign fugitives at transnational criminal syndicates ang Pilipinas, alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa transnational crime.
Dinala ang tatlong Chinese national sa holding facility ng BI matapos ang booking at documentation procedures.
Sasailalim sina Jiang at Li sa deportation proceedings, habang haharap naman si Wang sa kaukulang Immigration proceedings dahil sa overstaying.