Dahil sa mga sunod-sunod na banta sa seguridad sa ilang mga paaralan, nagpatawag na ng emergency meeting si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian para talakayin ang mas mahigpit na mga hakbang para sa kaligtasan ng mga paaralan sa lungsod.
Dumalo sa pulong ang mga kinatawan ng Department of Education (DepEd) Valenzuela, Philippine National Police (PNP), mga pampubliko at pribadong paaralan, iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, at mga magulang.
Ayon sa alkalde, kabilang sa mga natalakay na hakbang sa pulong ang paghihigpit ng seguridad sa mga paaralan, pagdaragdag ng CCTV cameras, pagsasagawa ng regular na emergency at lockdown drills, at pagpapalawak ng counseling at psychosocial support para sa mga mag-aaral.
Tinalakay rin ang mas maagang intervention para sa mga batang nangangailangan ng gabay sa kanilang mental well-being, gayundin ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, pulisya, barangay, at lokal na pamahalaan.
Iminungkahi rin ng ilang school principals ang paggamit ng transparent bags para mapadali ang inspeksyon sa mga dala ng mga estudyante.
Binigyang-diin naman ni Mayor Gatchalian ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga magulang at komunidad sa paggabay sa mga kabataan at sa pagpapatibay ng kampanya laban sa bullying, karahasan, at impluwensya ng mga gang.
📸 Valenzuela LGU

