Pinalawig pa ng pamahalaan ng Pilipinas ang visa-free entry para sa mga may-hawak ng Taiwan passport na nagbabalak maglakbay at manatili sa bansa sa loob ng 14 araw o mas maikli pa.
Ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang naturang extension ay magsisimula ngayong Hulyo 1 hanggang Hunyo 30, 2027.
Sa inilabas na advisory ng MECO, ipinaliwanag nitong ang hakbang na ito ay bilang pagtugon sa “reciprocity” o palitang-loob, matapos ding ipatupad ng Taiwan ang katulad na patakarang walang visa para sa mga Pilipinong bumibisita sa kanilang bansa.
“Ikinagagalak ihatid ng Manila Economic and Cultural Office na, alinsunod sa direktiba ng pamahalaan ng Pilipinas na tuparin ang reciprocity sa mga pribilehiyong visa-free na ibinibigay sa mga may-hawak ng Philippine passport na naglalakbay sa Taiwan, ang mga may-hawak ng Taiwan passport ay maaaring pumasok sa Pilipinas nang walang visa sa pananatili na hindi lalampas sa labing-apat (14) na araw,” anunsyo ng ahensya.
Gayunpaman, nilinaw ng MECO na ang pribilehiyong ito ay “non-extendible” (hindi maaaring pabilangin pa) at “non-convertible” (hindi maaaring palitan) sa iba pang kategorya ng visa sa Pilipinas.
Paalala pa ng tanggapan, ang mga mamamayan ng Taiwan na may planong manatili sa Pilipinas nang higit sa 14 araw ay kinakailangan pa ring kumuha ng kaukulang visa bago ang kanilang pagpasok sa bansa.