Patuloy ang pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) para maramdaman ng mga Pilipino ang benepisyo ng pagiging ‘Upper Middle Income’ economy ng bansa.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na itinaas na ng World Bank ang classification ng Pilipinas mula sa ‘Lower Middle Income’ tungo sa ‘Upper Middle Income Economy’
Aminado si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na marami pang hamon sa sektor ng agrikultura kaya hindi pa agad maibaba ang presyo ng pagkain, kabilang na ang bigas.
Ayon sa kalihim, kabilang sa mga nakaapekto ang tensyon sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at abono, lalo na ng urea, na wala umanong direktang kontrol ang DA.
Gayunman, may positibong pagbaba na aniya sa ngayon ang presyo ng fertilizer sa pandaigdigang merkado na makatutulong para mapababa ang gastos sa produksyon ng mga magsasaka.
Binigyang-diin ng kalihim na walang agarang solusyon sa mataas na presyo ng pagkain, ngunit nakatuon na ang DA sa mga pangmatagalang programa tulad ng pagtatayo ng food hubs, farm-to-market roads, at pagpapalawak ng mga post-harvest facilities para mapababa ang gastos ng magsasaka at mapababa ang presyo ng pagkain para sa ordinaryong Pilipino.