Itinampok ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga natatanging probisyon ng nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections, na ayon sa poll body ay nagpapakita ng mas inklusibo at makabagong sistema ng halalan.
Sa isinagawang Media Orientation on the Bangsamoro Peace Process, Bangsamoro Electoral Code, at Media Safety sa Pasig City, sinabi ni Comelec Spokesperson Director John Rex Laudiangco na kakaiba ang Bangsamoro Parliamentary Elections dahil may mga probisyon sa isasagawang halalan na hindi makikita sa regular na pambansang halalan.
Kabilang dito ang itinakdang representasyon para sa kababaihan sa mga nominado ng political parties, anti-dynasty provision, paglalaan ng puwesto para sa mga sectoral representatives, at paglalagay ng larawan ng mga kandidato at logo ng kanilang political party sa balota upang mas madaling makilala ng mga botante.
Ibinida rin ni Laudiangco sa kaganapan ang mga special feature ng balota kabilang na ang pagpapakita ng mga bagong katangian nito tulad ng gaano ito kakapal kumpara sa nagdaang eleksyon gayundin kung paano ito binabasa ng automated counting machine (ACM), mga bawal at dapat gawin sa pagboto, at marami pang iba para bigyan ng tamang gabay ang media at ang publiko para sa nalalapit na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).