Courtesy of Presidential Communications Office
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagpapalit ng mga condemned school buildings sa Liwan West Elementary School sa Rizal, Kalinga, matapos matuklasang ginagamit pa rin ang mga ito ng mga mag-aaral.
Sa inspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon, nakita ang mga silid-aralang may bitak-bitak na sahig, sira-sirang kisame, at mga pansamantalang comfort room na patuloy na ginagamit ng mga estudyante at guro.
Ang mga gusali ay itinayo pa noong dekada ’80 at idineklarang delikado, ngunit nananatili pa ring ginagamit dahil sa kakulangan ng kapalit na pasilidad.
Ayon sa kalihim, malinaw ang direktiba ng Pangulo na tiyaking ligtas, maayos, at may dignidad ang kapaligiran ng pag-aaral ng bawat estudyante, sa pamamagitan ng agarang pagsasaayos at pagpapalit ng mga sirang pasilidad sa paaralan.