Tinatayang aabot sa mahigit P260 milyong halaga ng ayuda para sa kabuhayan, emergency employment, at social protection ang ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mahigit 23,000 manggagawa at iba pang benepisyaryo na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa SOCCSKSARGEN noong Hunyo 8.
Pinangunahan ni Labor Secretary Francis “Tol” Tolentino ang distribusyon sa General Santos City, bilang bahagi ng whole-of-government response ng administrasyon para mapabilis ang rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng lindol. Kabilang sa ipinamahagi ang mahigit P27.2 milyon sa ilalim ng TUPAD para sa higit 3,000 manggagawa, P17.1 milyon na livelihood grants para sa 729 benepisyaryo, at mga Certificates of Availment na nagkakahalaga ng halos P216 milyon para sa mahigit 19,000 pang tatanggap.
Kasabay nito, magkakaloob din ng skills training ang TESDA at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho ng mga benepisyaryo.
Nagbigay rin ng karagdagang tulong ang Employees’ Compensation Commission (ECC), TESDA, Department of Migrant Workers (DMW), at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para sa mga naapektuhang manggagawa at kanilang pamilya. Ayon sa DOLE, bahagi ito ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagbangon ng mga komunidad at maibalik ang kabuhayan ng mga naapektuhan ng lindol.