Hindi kailanman magpapadala sa pressure mula kaninuman ang Marcos Administration, sa pagpapatuloy ng laban nitong papanagutin ang mga nagkasala sa batas at sa taumbayan.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pagsasampa ng kasong plunder kay Senator Rodante Marcoleta bunsod ng higit ₱75 milyon undeclared campaign contributions na natangap nito, upang pondohan ang kaniyang kandidatura sa pagkasenador noong 2025.
”Tama po, hindi naman po kailangan magpa-pressure ang gobyerno at ang mga nag-iimbestiga, pati na po ang mga korte natin sa mga pressure ng ibang mga grupo.” -Usec. Castro.
Sa press briefing sa Vancouver, sinabi ni Castro na naniniwala ang pamahalaan na hindi naman dahil kay Marcoleta ang ginagawang kilos-protesta ng mga miyembro ng INC nitong mga nakaraang araw.
“Sa ating palagay ay hindi naman din po yun ang naisin ng INC. But still, sa mga may balak na magpa-pressure sa gobyerno para po mapaligtas ang mga tao na sinasabi natin maari sangkot sa mga anomalya. Huwag nyo na po itong pilit.” -Usec. Castro.
Gayunpaman, binigyang diin nito na ang mga korte ng Pilipinas at ang mismong administrasyon ni Pangulong Marcos, hindi kailanman, magpapa-sindak sa kahit anomang grupo.
“Huwag niyo na po itong gawin. Dahil muli, hindi matutulog ang gobyerno, hindi din matutulog ang mga investigating bodies, pati na po ang korte para mapanagot ang dapat na mapanagot.” -Usec. Castro.
Samantala, sinabi ni Castro na pagkakataon ito para kay Marcoleta na maipagtanggol ang kaniyang sarili at malinis ang kaniyang pangalan.
“Dapat nating linisin ang anumang issue ng korupsyon sa ating gobyerno, sa ating bansa. At kung kailangan na may managot at kung kailangan naman din niya madipensahan ang kanyang sarili, ay magagawa naman po ito ni Senator Marculeta. At sa lahat po ng nagsasagawa ng mga maanumalyang proyekto, ang gobyerno po ay hindi po natutulog. Linisin po natin ang bansa sa mga isyo ng korupsyon.” – Usec. Castro.