Photo Courtesy: PHIVOLCS
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 357 rockfall at tatlong volcanic earthquake sa Bulkang Mayon, ayon sa ulat ng ahensya ngayong July 4, 2026.
Nakitaan din ng banaag ang bulkan habang patuloy ang pagdaloy ng lava sa mga daluyang Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (2.1 km). Namataan din ang panaka-naka at mahinang Strombolian activity.
Nasa 2,184 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya noong July 3.
May taas na 100 metro ang plume ng bulkan dulot ng katamtamang pagsingaw at napadpad sa kanluran-timog-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, kasabay ng nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar kung magkakaroon ng malakas na pag-ulan.