Suportado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na nagbabawal sa pagva-vlog habang nagmamaneho ng sasakyan.
Sa inilabas na LTFRB Memorandum Circular No. 2026-050, pinaalalahanan ang mga public utility vehicle (PUV) drivers na mahigpit na sundin ang Anti-Distracted Driving Act (Republic Act No. 10913).
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, kabilang sa mga ipinagbabawal ang pagva-vlog o paggawa ng content habang nagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente.
Giit ni Atty. Inton, ang pagva-vlog habang nasa manibela ay isang uri ng distraction na maaaring magdulot ng panganib sa mga pasahero, driver, at iba pang motorista sa kalsada.
Nilinaw naman ng LTFRB na hindi ipinagbabawal ang vlogging sa pangkalahatan, kundi ang paggawa nito habang umaandar ang sasakyan.
Ipinagbabawal din ang paggamit ng cellphone at iba pang electronic devices para sa social media, internet, o entertainment habang nagmamaneho.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10913, pinapayagan lamang ang paggamit ng hands-free devices kung hindi ito nakasasagabal sa paningin at atensyon ng driver.
May mga exemption din kung may emergency o kung hindi gumagalaw ang sasakyan.