Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng kabuuang ₱129.4 milyong halaga ng livelihood at emergency employment assistance para sa libo-libong manggagawa sa lalawigan ng Sarangani. Pinangunahan ni Sarangani Governor Rogelio Pacquiao at DOLE Secretary Francis “Tol” Tolentino ang paglulunsad ng mga programa sa isinagawang aktibidad sa Oval Plaza sa General Santos City noong nakaraang Biyernes, Hulyo 3.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ang ₱123 milyong Certificate of Availment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) na magbibigay ng pansamantalang hanapbuhay sa 15,600 kwalipikadong benepisyaryo mula sa pitong munisipalidad ng Sarangani.
Inaasahang maipatutupad ang programa sa mga susunod na buwan. Bahagi ang mga interbensyong ito ng patuloy na suporta ng DOLE sa pagbangon ng ekonomiya at rehabilitasyon ng lalawigan, lalo na para sa mga manggagawang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8.
Layunin din nitong mapalakas ang kabuhayan ng mga manggagawa at matulungan silang makabangon mula sa epekto ng mga kalamidad at iba pang hamon.
Bukod dito, naglabas din ang DOLE ng ₱3.312 milyong TUPAD wages para sa 360 benepisyaryo ng Sarangani Transport Alliance for Reform and True Development (STARTeD).
Samantala, 127 benepisyaryo mula sa Barangay Bagacay, Alabel ang tumanggap ng ₱3.094 milyong livelihood assistance sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) upang makapagsimula o mapalawak ang kanilang pinagkakakitaan. Nagpasalamat naman si Governor Pacquiao kay Secretary Tolentino at sa DOLE Regional Office XII sa pamumuno ni Regional Director Imelda Gatinao sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa lalawigan. Ayon sa gobernador, malaking tulong ang mga programang ito sa paglikha ng mga oportunidad sa trabaho, pagpapalakas ng kabuhayan ng mga Sarangan, at pagsuporta sa patuloy na pagbangon at pagpapatatag ng ekonomiya ng Sarangani.
📷 Sarangani Provincial Office