Neutralisado ng mga awtoridad ang itinuturing na pinuno ng isang paksyon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na si Esmael Abubakar alyas na “Kumander Bungos.”
Ito’y kasunod ng ikinasang Joint Law Enforcement Operations ng Philippine National Police (PNP) sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Si ‘Kumander Bungos’ ang tagapamuno ng “Bungos” faction ng BIFF at itinuturing ding Top 1 Most Wanted Person sa Maguindanao del Sur.
Tinutugis ng mga awtoridad si ‘Kumander Bungos’ sa bisa ng mga mandamiyento de arestong inilabas ng iba’t ibang korte dahil sa mga kasong murder, attempted muder, qualified direct assault at destructive arson.
Itinuturing ding terrorista si alyas ‘Kumander Bungos’ salig sa resolusyon ng Anti-Terrorism Council mula pa noong 2021 at may patong din na ₱3 milyon sa kaniyang ulo sa bisa ng DND-DILG Joint Order no. 16.
Pinuri naman ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon na nagpakita ng propesyunalismo at pagsunod sa mga itinakdang protocol.

