Naglabas na ng warrants of arrest at Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ang Sandiganbayan 3rd Division laban kay Sen. Rodante Marcoleta, dating Cong. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
Kinumpirma ito ni Sandiganbayan 3rd Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda na kaugnay ng kasong plunder, na nag-ugat sa umano’y ₱75 milyong hindi deklaradong campaign donations.
Sa pagdinig ng anti-graft court, ibinasura ng korte ang mga mosyong inihain ng kampo ng senador, kabilang ang Motion to Quash Information, at ang hiling na ipagpaliban ang paglalabas ng warrant of arrest.
Ayon kay Justice Miranda, natapos na ng korte ang pag-review sa kaso noon pang Biyernes at nakitang may sapat na probable cause para maglabas ng warrant of arrest laban kay Marcoleta at sa iba pang akusado.
Gayunman, sinabi ni Miranda na hindi nakagawian ng korte ang maglabas ng warrant of arrest tuwing weekend kaya ngayong Lunes lamang ito ipinalabas.
Binigyang-diin naman ni Justice Miranda, na ang Sandiganbayan ay isang hukuman at hindi bahagi ng ano mang usaping pampulitika.
“This is a court of law. This court is not part of the political arena. We are here to implement the rules,” ani Miranda.
Iginiit din nito na ang pag-iisyu ng warrant of arrest ay hindi nangangahulugang ‘guilty’ na ang akusado.
Matapos ibasura ang kanyang mga mosyon, dumiretso si Sen. Marcoleta sa Office of the Clerk of Court.