Inihayag ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na isang malaking “tagumpay para sa sambayanang Pilipino” ang pagsisimula ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Patunay aniya ito na umiiral ang pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon.
Sa isang press briefing matapos ang unang araw ng paglilitis sa Senate Impeachment Court, sinabi ni Luistro na ang matagal nang inaabangang pag-usad ng kaso ay maituturing nang panalo para sa prosekusyon at sa mamamayan.
Pinuri rin ni Luistro ang impeachment court sa paggampan sa tungkulin nito sa Saligang Batas.
Matapos makumpleto ang mga paunang hakbang, nakatakdang simulan ng impeachment court ang pagpapakita ng mga ebidensya ng prosekusyon ngayong pangalawang araw ng paglilitis.
Magsisimula ang prosekusyon sa artikulong tumatalakay sa mga umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.