Pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng Republic Act No. 12079 na nagbibigay ng value-added tax o VAT refund sa ilang local purchases ng non-resident foreign tourists.
Sa desisyong isinulat ni Supreme Court Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, ibinasura ng SC En Banc ang petisyon ni John Barry T. Tayam na kumukuwestiyon sa bisa ng batas.
Sa ilalim ng RA 12079, maaaring makakuha ng VAT refund ang foreign tourists sa mga produktong binili mula sa accredited stores, basta ilalabas ang mga ito sa Pilipinas sa loob ng 60 araw mula sa pagbili at aabot sa hindi bababa sa ₱3,000 kada transaksyon.
Kinontra ni Tayam ang batas dahil umano sa paglabag sa equal protection clause, dahil dayuhang turista lamang ang saklaw nito, at hindi ang mga Pilipino o residente.
Pumanig ang SC sa posisyon ng Office of the Solicitor General na hindi magkapareho ang sitwasyon ng foreign tourists at local consumers.
Ayon sa SC, makatuwiran ang pagkakaiba ng treatment dahil layunin ng batas na palakasin ang turismo, hikayatin ang paggastos ng mga bisita, at panatilihing competitive ang Pilipinas sa ibang bansang may kahalintulad na VAT refund system.
Nilinaw din ng SC, na hindi ito diskriminasyon laban sa mga Pilipino, kung hindi isang insentibo para sa foreign tourists bilang bahagi ng polisiya ng estado na suportahan ang tourism industry at promosyon ng produktong Pilipino.