Aabot sa ₱175.33 milyon ang ipamamahaging cash gift ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) Regional Office I para sa 16,777 benepisyaryo ng Expanded Centenarian Act (ECA) sa buong Ilocos Region ngayong ikalawang quarter ng taon.
Isasagawa ang pamamahagi mula Hulyo hanggang Setyembre 2026, kung saan makatatanggap ng benepisyo ang mga kuwalipikadong senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90, 95, at 100 taong gulang noong 2024, 2025, at 2026.
Sasaklawin ng programa ang lahat ng lungsod at bayan sa mga lalawigan ng Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte upang matiyak na maipagkakaloob ang cash gift sa bawat kuwalipikadong benepisyaryo.
Ayon sa NCSC Regional Office I, nakikipag-ugnayan ito sa mga lokal na pamahalaan, Office for Senior Citizens Affairs (OSCA), City at Municipal Social Welfare and Development Offices, Philippine National Police (PNP), Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP), at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang maayos, ligtas, at sistematikong pamamahagi ng ayuda.
Bahagi ang programa ng patuloy na pagpapatupad ng Expanded Centenarian Act, na naglalayong kilalanin at bigyang suporta ang mga nakatatandang Pilipino bilang pagpapahalaga sa kanilang mahabang buhay at mahalagang ambag sa lipunan.
📷 NCSC

