Nakauwi na ang natitirang tatlong Pilipinong crew member ng MV Epaminondas matapos ligtas na lumapag noong Hulyo 6, 2026 sakay ng Qatar Airways sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City.
Ligtas na nakabalik sa bansa noong Lunes ang huling tatlong Pilipinong seafarer na bahagi ng crew ng MV Epaminondas, ang barkong kinumpiska ng mga awtoridad sa Iran. Dahil dito, nakauwi na ang lahat ng 10 Pilipinong lulan ng container vessel, halos tatlong buwan matapos ang insidente sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), lumapag ang tatlong seafarer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City sakay ng Qatar Airways.
“Naging posible ang kanilang ligtas na pagbabalik sa pamamagitan ng masusing koordinasyon ng may-ari ng barko, ng ahensya, at ng DMW,” pahayag ng kagawaran.
Sinalubong ang tatlo ng kanilang mga pamilya, mga opisyal ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Manila International Airport Authority (MIAA), at mga kinatawan ng kanilang licensed manning agency.
Agad namang nakatanggap ang mga seafarer ng tulong pinansyal at medikal mula sa DMW at OWWA pagkalapag na pagkalapag nila sa paliparan. Sagot naman ng kanilang ahensya ang pansamantalang matutuluyan ng mga ito sa hotel.
Bukod dito, isasailalim din sila sa mga karagdagang medical at psychosocial assessment upang matulungan silang makabangon at maging maayos ang lagay pagkatapos ng kanilang pinagdaanang takot at hirap.
Sila ang huling grupo ng mga Pilipinong crew na pinayagan ng militar ng Iran na umalis sa barko matapos silang palitan ng mga bagong crew mula sa Russia, Sri Lanka, at Ukraine na siyang magpapatakbo ngayon sa sasakyang pandagat.
Nasangkot sa isang insidenteng pangseguridad ang Liberia-flagged vessel na MV Epaminondas noong Abril 22 habang sinusubukang lumabas ng Persian Gulf patungong Strait of Hormuz. Ang unang pitong Pilipinong crew ay nauna nang napauwi sa bansa sa magkakahiwalay na batch noong buwan ng Hunyo.