Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng isang opisyal mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na isa sa kanilang isinaalang-alang para sa posibleng permanent ban ng online game GoreBox dito sa Pilipinas ay ang “willingness” ng game developer na palakasin ang age verification system upang hindi makapaglaro ang mga menor de edad.
Matatandaan na ang exposure sa GoreBox ay isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit nangyari ang Tacloban school shooting.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, inihayag ni CICC Deputy Executive Director at Assistant Secretary Atty. Alvin Navarro na kung tutuusin ay hindi naman talaga pambata ang GoreBox at mayroon pa itong tema ng karahasan ngunit kapag pineke ng game user ang kanyang edad ay magkakaroon pa rin ito ng access sa naturang online game.
Ani Asec. Navarro, kailangan ding bigyang-pansin ang parental control dahil mahihirapan na mapigilan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kanilang paglalaro kung wala nito — isang bagay na maituturing ding salik sa posibleng permanent ban ng GoreBox dito sa ating bansa.
Ayon pa sa CICC official, kung matatandaan sa naging hearing sa Senado patungkol sa Tacloban school shooting, mismong mga eksperto na ang nagsabi na isa sa mga posibleng dahilan upang mahikayat ang mga menor de edad na gumawa ng mararahas na krimen ay ang exposure sa mga online game tulad ng GoreBox.
Sinabi rin ni Asec. Navarro na kung naresolba agad ng game developers ng GoreBox ang mga isyu sa age verification ay hindi rin naman magre-resort ang pamahalaan sa pagpigil ng pag-download sa naturang laro.