Pormal nang nagsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Dara Duterte.
Alas-2 ng hapon nitong Lunes, binuksan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte alinsunod sa Konstitusyon.
Nasa 21 senador ang present sa pag-convene muli ng Senate Impeachment Court.
Sa kanyang opening statement sa pagbubukas ng paglilitis, nanawagan si Gatchalian sa lahat ng senator-judges na pairalin ang pagiging patas at sundin ang Konstitusyon sa paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Gatchalian na ang bawat desisyon ng impeachment court ay dapat nakabatay lang sa Saligang Batas, mga umiiral na batas, mga tuntunin ng korte, at sa mga ebidensyang ihaharap.
Binigyang-diin din ng Senate president na ang impeachment ay mekanismong itinakda ng Konstitusyon para panagutin ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan, at may karapatan ang sambayanan na malaman ang katotohanan sa mga paratang laban sa Bise Presidente.
Aniya, tungkulin ng Senado na tiyaking magiging maayos, bukas, at nauunawaan ng publiko ang buong proseso ng paglilitis.
dapat din aniyang mabigyan ng pantay na pagkakataon ang prosekusyon at depensa na iharap ang kanilang mga ebidensya, mga testigo, at mga argumento.
Iginiit ng Senate president na dapat igalang ang karapatan ng respondent sa isang patas at makatarungang paglilitis, at manatiling gabay ang due process, rule of law, at Konstitusyon sa bawat yugto ng impeachment trial.
Hinimok din niya ang kapwa senator-judges na tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin nang may dangal at pananagutan para mapanatili ang tiwala ng sambayanang Pilipino.