Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) ang viral road rage na kinasangkutan ng dalawang sasakyan sa kahabaan ng C5 Road, Palar, Taguig City.
Ayon sa LTO, nagpadala na ito ng Show Cause Order sa rehistradong may-ari at itinalagang drayber ng Nissan Almera at rider ng isang Yamaha Mio na sangkot sa insidente.
Pinahaharap ang mga ito sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO sa July 15, 2026, at pinagsusumite ng kanilang sinumpaang paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, at kung bakit hindi dapat papanagutin ang rehistradong may-ari sa paglabag na Obstruction of Traffic.
Kaugnay nito, inilagay na sa alarm status ang dalawang sasakyan at pinasusuko na rin ang kanilang driver’s license sa IID ng LTO.
Patuloy namang hinihikayat ng LTO ang lahat ng motorista na pairalin ang disiplina, igalang ang kapwa sa lansangan para iwas road rage.
“Paulit-ulit namin ipinapaalala sa lahat ng motorista na iwasan ang anumang uri ng iresponsableng pag-uugali sa kalsada. Bago bumaba ng inyong sasakyan dahil sa galit o init ng ulo, isipin muna ang maaaring maging kapalit nito,” pahayag ni Assistant Secretary Lacanilao.