📷 Senate of the Philippines
Magiging bukas at madaling ma-access na ng publiko sa pamamagitan ng opisyal na website ng Senado ang mga elektronikong rekord ng gaganaping impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes, kasabay ng pag-uutos sa Clerk of Court na ihanda ang mga kailangang web page para sa pag-upload ng mga pleading, memoranda, mosyon, at iba pang mga dokumentong isusumite ng magkabilang panig.
Ayon kay Escudero, ang hakbang na ito ay alinsunod sa Article 2, Section 28 ng Saligang Batas na nagsusulong ng buong paghahayag o public disclosure sa mga usaping may kinalaman sa interes ng mamamayan.
“Upang bigyang-buhay ang direktiba sa ilalim ng mga patakaran na buksan sa publiko ang mga pagdinig sa impeachment, inaatasan ng Korte ang Clerk of Court na gawin ang mga kinakailangang Internet web pages,” pahayag ni Escudero.
Maliban sa mga mosyon at pleadings, ia-upload din ang opisyal na journal ng mga pagdinig, ngunit mangyayari lamang ito kapag naaprubahan na ng impeachment court.
Hiling na Malinaw na Timetable
Bagama’t ikinatutuwa ni Senador-judge Bam Aquino ang desisyong ito, nagpahayag siya ng pag-aalala ukol sa bilis ng pag-upload ng mga dokumento. Binigyang-diin niya na mawawalan ng saysay ang pagiging bukas nito kung huli na kapag nalaman ng publiko.
“Kung magiging available ito sa publiko anim na buwan o isang taon mula ngayon, mawawalan ng kabuluhan ang layunin na isapubliko ito,” ani Aquino.
Tiniyak naman ni Escudero na hindi ito mangyayari. Sa katunayan, nauna na umanong na-upload ang mga articles of impeachment pati na ang sagot (answer) ng kampo ng Bise Presidente kasama ang mga kalakip o annexes nito.
Inamin ng Senador na sinimulan na ng Clerk of Court ang paghahanda sa mga online records, ngunit medyo matatagalan lamang ito dahil sa dami ng dokumento na sa ngayon ay umabot na sa mahigit 10,000 rekord.
Nangako si Escudero na magbibigay siya ng update sa mga kasamahang senador bago matapos ang linggong ito para sa isang makatotohanang iskedyul ng pag-upload ng mga rekord sa “real time” o sa mismong araw ng paghahain ng mga ito.