Pinaalalahanan ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na mag-ingat, maghanda, at tumutok sa lagay ng panahon gayundin sa mga abiso ng awtoridad ngayong panahon ng tag-ulan dulot ng Habagat (Southwest Monsoon).
Ito’y makaraang magpalabas ng pagtaya ang PAGASA hinggil sa malakas na pag-ulang posibleng maranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay kasi sa ulat ng weather bureau, pinalalakas ng Super Bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na mayroong international name na “Bavi” ang hanging habagat o southwest monsoon na siyang magdadala ng malalakas na mga pag-ulan.
Inaasahang papasok sa PAR ang naturang bagyo mamayang gabi o bukas ng umaga, Miyerkules at tatawagin itong Super Bagyong Inday bagaman malabo naman ang tsansa nitong lumapag sa kalupaan.
Gayunman, sinabi ng OCD na dahil paiigtingin ng naturang Super Bagyo ang habagat, asahan na ang malalakas at mapaminsalang pag-ulan na may kasamang pagguho ng lupa.