Hindi bumenta kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang alok ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na magtalaga ng common fishing ground ang Pilipinas at China sa Bajo de Masinloc.
Ito, ayon kay Quan, ay para maplantsa na ang sigalot sa agawan ng teritoryo sa nasabing bahura gayundin ay para mapahupa ang tensyon sa rehiyon.
Sa isang panayam kay Teodoro, sinabi nito na hindi pinanganak kahapon ang mga Pilipino at ang pahayag na ito ng China ay bahagi lamang ng kanilang Public Relation (PR) strategy.
Binigyang-diin ng kalihim na tanging ang Pilipinas ang may solong karapatan para makapangisda sa nasabing bahura alinsunod na rin sa makasaysayang 2016 Arbitral Award pabor sa bansa.
Malinaw na aniyang nakasaad sa naturang kautusan na isang common fishing ground ang Bajo de Masinloc na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa kaya’t walang sinumang bansa gaya ng China ang maaaring magdikta rito.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasabay na rin ng unang dekada ng pagkapanalo ng Pilipinas kontra sa China sa Permanent Court of Arbitration.