Nilinaw ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang kanyang posisyon tungkol sa kailangang threshold o bilang ng boto para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang talumpati matapos mahalal bilang Presiding Officer ng Impeachment Court, sinabi ni Escudero na malinaw sa konstitusyon na 16 ang botong kailangan para mahatulan ang respondent sa kaso.
Ito ay base aniya sa nakasaad sa konstitusyon na two-thirds ng 24 na mga senator-judges ang kailangan para ma-convict ang isang nahahatulan.
Suportado rin aniya ito ng ruling ng Korte Suprema sa kasong Bayan versus Zamora, maliban na lang kung maglalabas ng panibagong pasya ang SC.
Iginiit ni Escudero na ito ang umiiral na batas ngayon at kailangang sumunod dito.
Sinuman aniyang hindi sang-ayon dito ay maaaring humingi ng judicial relief mula sa Supreme Court, na siyang may awtoridad na mag-interpret ng konstitusyon.
Binigyang-diin rin ng Presiding Officer na ang prosekusyon ang may burden of proof at nananatili ang Presumption of Innocence ng respondent.
Samantala, pinunto ni Escudero na ang isinasagawang impeachment trial kay VP Sara ay bukod-tangi dahil si VP Sara ang kauna-unahang opisyal ng bansa na dalawang beses na na-impech ng Kamara.
Siya rin aniya ang unang Bise Presidente na sasailalim sa impeachment trial.
Si VP Sara rin aniya ang may pinakamalaking mandatong nakuha sa kasaysayan ng vice presidential elections, na nakakuha ng mahigit 32 milyong boto.
Sinuportahan rin aniya ng 257 na mga kongresista o mahigit 80 percent ng kamara ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Iginiit ni Escudero na ang impeachment ay hindi dapat gawing arena ng pamumulitika, paghihiganti o personal na pag-atake.
Pinaalalahanan rin nito ang mga senator-judges, prosecutors, respondents, abugado, at mga testigo na umiwas sa paglalabas ng public statements tungkol sa merito ng kaso habang nagpapatuloy ang paglilitis.