Sa botong 12 na senador ang pabor, habang walo ang tutol, nahala si Senador Chiz Escudero bilang Presiding Officer ng Impeachment Court na lilitis sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Pero bago mahalal si Escudero bilang Presiding Officer, nagpahayag muna ng ilang objections o pagtutol ang ilang senator-judges sa naturang hakbang.
Unang tumayo si Senator-Judge Alan Peter Cayetano na iginiit na, alinsunod sa konstitusyon, ang dapat lang na maging Presiding Officer ng Impeachment Court ay ang Senate President.
Binigyang-diin rin ng Minority leader na ang anumang amyenda sa rules ay dapat na ipresenta sa floor, isang araw bago ito talakayin.
Babala ni Cayetano, maaaring makwestiyon ang buong paglilitis na gagawin nila kung kwestiyunable ang mismong mamumuno sa trial.
Binigyang-diin naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na inamyendahan nila ang rules tungkol sa paghalal ng Presiding Officer, noong June 3 session.
Noong panahong iyon aniya ay nabigyan ang lahat ng senador ng oportunidad na ipahayag ang kanilang saloobin o opinyon sa pinapanukalang amyenda at wala namang tumutol kaya inaprubahan ito ng Senado.
Matatandaang absent ang Minority Bloc noong June 3 session ng Senado.
Dito muling iginiit ni Cayetano na kinukwestiyon pa nila ang legalidad ng June 3 session at lahat ng mga naging hakbang noon, bilang wala aniyang 13-man quorum ang grupo nina Gatchalian nang araw na iyon.
Nagpahayag rin ng pagtutol sa pagkakahalal kay Escudero sina Senador Pia Cayetano, Senador Robin Padilla, at Senador Imee Marcos.
Sa huli, nauwi sa botohan ang usapin, kung saan nanalo ang Majority vote ng 12 senador, pabor sa pagkakahalal kay Senator Chiz bilang Presiding Officer ng Impeachment Court.