Mahigit 23,000 family food packs ang inihanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Batanes bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Super Typhoon Inday.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nakapuwesto na rin ang mahigit 4.7 milyong family food packs sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa agarang distribusyon sa mga maaapektuhang lugar.
May nakaimbak ding ready-to-eat food boxes sa mga pangunahing pantalan at iba pang non-food items sa mga bodega ng ahensya.
Sa Ilocos Region, mahigit 105,000 family food packs ang nakahanda, habang higit 217,000 naman ang nakaimbak sa Cagayan Valley.
Tiniyak ni Dumlao na nakahandang magbigay ng karagdagang ayuda ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan sa oras na mangailangan ang mga ito.
Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga residenteng maaapektuhan ng Super Typhoon Inday.