Lalong pinaigting ng Lalawigan ng Batanes ang kanilang paghahanda habang papalapit ng papalapit ang Bagyong Inday.
Sa panayam ng programang BOSES, sinabi ni Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Cesar Roldan Esdicul, hindi pa man nakapapasok ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Inday ay naikasa na nila ang mga paghahanda.
Ilan nga rito ang pagtataas ng mga bangka, paglalagay ng window shutters, pagtatali at paglalagay ng pabigat sa mga bubong, at ang isinagawa ring Pre-Disaster Risk Assessment ng Batanes PDRRMO.
Nakahanda na rin ang PDRRMO sakaling kailanganin ang evacuation gayundin ipinatutupad sa kanilang komunidad ang adopt-a-neighbor program kung saan maaaring lumikas sa mas matibay na bahay ang isang pamilyang nangangailangan ng tulong.